Ang pagsusulat ko ba ng blog ay para sa akin lang? Bakit naman hindi ko maiisip ito gayung mukhang ako lang yata at paisa-isang kaibigan o kapamilya lang ang nagbabasa nito? Kahit na nga ang Bebe kong naturingan ay hindi parating nagbabasa ng aking pinagpalang blog. Tinanggal ko na nga ang bilangan upang hindi ko na mapunang hanggang ngayon pala, wala pang sampu bawat linggo ang nakakabasa nitong blog ko?
Madali para sa akin ang magtagni-tagni ng mga pangungusap upang makabuo ng isang makabuluhang kwento o kaya'y sanaysay. Ngunit sadyang mahirap magsulat ng blog. Uubos ka rin kasi ng oras upang isipin kung ano ang magiging paksa ng blog mo minsan. At kung gusto mo pang magsama ng makabuluhan ring mga larawan, hahalukayin mo din ang mga naitago mong mga imahe sa kaloob-looban ng computer mo.
Naisip ko, kung mahirap magsulat ng blog, ano pa kaya ang pagsusulat ng isang column sa isang pahayagan? E isa pa mandin ito sa aking mga pangarap sa buhay. Mahirap din siguro, sa palagay ko. Mas malaki pa ang mga kakaharaping pagsubok.
Ngunit sabi nga minsan nang isa kong guro, si Isagani Cruz, ang pagsusulat ay isang angking talino at isang uri ng malayang pamamaraan upang maipahiwatig ang mga nasasasaloobin ng isang tao. Kung gayun, ito ay maaaring pagyamanin o hasain sa araw-araw sa pamamagitan ng tuwirang paggamit at paggawa. Hindi kailangan ng isang manunulat ang magkaroon ng inspirasyon upang makapagsulat. Ang pagkakaroon ng inspirasyon ay isang handog, isang uri ng pampagana. Ngunit sa mga oras o mga araw na walang inspirasyon, ang isang tunay na manunulat ay dapat makapagsulat pa rin.
Mayroong mga pagkakataon na ang isang manunulat ay dadatnan ng tinatawag na writer's block ngunit hindi ito dahilan upang ang isang tunay na manunulat ay tumigil sa pagiging manunulat - dahil hindi tumitigil ang pag-iisip. Ang pagsusulat naman ay hindi nagsisimula sa paglapat ng dulo ng panulat sa isang papel - ito ay nagsisimula sa utak at sa pag-iisip.
Sa pamantasan noong ako'y nag-aaral pa, maraming pagkakataon akong nakita upang maging mas bihasa sa pagsusulat. Nandyan ang mga taunang patimpalak (mga tipo ng Gawad Carlos Palanca) at mga summer workshops. Subalit wala akong lubos na tiwala sa aking kakayahan kung kaya't lahat ng mga pagkakataong iyon ay pinalampas ko. At madalas sa mga ganitong mga kalakaran, kailanga'y meron kang ipapakitang mga halimbawa ng mga naisulat mo na. At wala ako ng mga iyon.
Madalas kong sabihin na hindi ako ang tipo ng manunulat na bumubuo ng mga tula, dula o kaya'y mga kwento at mga nobela . Ako raw iyong mas sanay sa pagsusulat ng mga sanaysay. Sinasabi ko lang ang mga iyon hindi dahil wala talaga akong mga naipong mga naisulat na, kundi pakiwari ko ay lubhang wala akong ibubuga sa pagsusulat. Nagtatago ako sa likod ng isang hunghang na dahilan.
Kaya heto, nagkakasya na lang ako sa pagsusulat sa blog, na wala naman ding maraming nakakabasa.
Sabi nga ng Bebe ko, "Haaaaay!"